Mahalaga ba ang bumoto? Ano nga ba dapat ang mga batayan ko?
- Aliah Avenue
- Ago 27, 2024
- 6 (na) min nang nabasa
Updated: Okt 4, 2024
Tuwing darating ang eleksyon kanya-kanya tayo ng kandidatong kinakampanya at sinusuportahan, pero anu-ano nga ba ang mga batayan natin sa pagpili ng mga kandidatong iboboto? Paano natin malalaman kung sila ba ang tamang kandidato? At sa pagboto lang ba nagtatapos ang tungkulin natin bilang mga mamamayang Pilipino?

Lagi nating inaasam na magkaroon tayo ng mabuting pamumuno para sa ikauunlad ng ating bansa pero sabi nga ng karamihan, bakit kahit ilang presidente na ang dumaan makalipas ang batas militar na pamumuno, parang lalo pa rin tayong nalu-lugmok sa kahirapan — Sino nga kaya ang ang dahilan? Tayo ba na mga mamamayan o ang mga politiko na pinagkakatiwalaan natin upang mamuno ng ating bayan..
Bilang isang demokratikong bansa, may anyo tayo ng pamahalaan na kung saan ang mga tao ay ang siyang pumipili ng mga namumuno sa pamamagitan ng pagboto, sistemang pulitikal na pinamamahalaan ng mga kinatawan na inihalal ng mga tao. Sa mga mamamayan nakasalalay ang kinabukasan ng bayan dahil tayo ang namimili ng mga kandidatong iuupo natin sa pwesto para pamunuan tayo kung saan ang bawat isa ay may pantay-pantay na pribilehiyo at karapatang pantao. Walang mas mataas kaysa batas kahit pa ang mga taong nasa gobyerno.
Kumpara sa ibang bansa, mapalad pa rin tayong mga Pilipino sa pagkakaroon ng karapatang pumili ng mga taong mamumuno sa ating pamahalaan. Huwag sana nating ipagwalang-bahala ang kalayaang ito – bumoto ng tapat. Ika nga, ang pagboto ay isang sagradong karapatan at tungkulin dahil kalakip dito and seryosong pagsisiyasat sa mga ihahalal natin upang mamuno ng ating bayan. Sa araw ng halalan, nagiging pantay-pantay ang bawat mamamayan. Ang bawat balota ay boses ng bawat isa at ipinapahayag nito ang diwa ng demokrasya kaya may pananagutan tayo sa bawat nagiging resulta.
Pahalagahan sana ang maging maingat sa pagpili ng mga kandidatong ihahalal natin sa puwesto. Gawin natin ang pagpili ng may intelektwal na disiplinadong proseso ng aktibo at mahusay na pag-konsepto, paglalapat, pagbubuo at pagsusuri ng impormasyong nakalap mula sa nabuong obserbasyon, karanasan, pagninilay, pangangatwiran bilang gabay sa paniniwala at pagkilos.
Alalahanin natin na sa atin nakasalalay ang kinabukasan ng ating bansa sa pamamagitan ng pagboto ng tamang kandidato. Kaya samahan din natin ito ng panalangin na sana ay gabayan tayo ng Diyos sa isang matalinong pagpapasya, mapili natin ang kandidatong magiging tapat, may malinis na hangarin at hindi tayo madala sa mga hindi tamang nakagawian na o mababaw na dahilan tulad ng pagboto dahil sa nahikayat ka lang, dahil sa pakikisama, kamag-anak, kakilala, kabayan, sikat na tao ang kandidato at kung anu-ano pang walang katuturang batayan lamang. Higit pa diyan ay ang pagsuporta o pagboto sa isang kandidato para sa PANSARILING KAPAKANAN tulad ng NABAYARAN at pinangakuan ng pwesto sa gobyerno kapag sila ang nanalo.
Maging mapanuri. Ang pagiging mapanuri ay ang isang katangian na kailangang taglayin ng bawat isa. Ito ang nagbibigay sa atin ng kakayahan upang malaman sa sarili nating paraan ang impormasyong hinahanap, ang katotohanang nais malaman, nagbibigay ng kakayahang maunawaan ang mga bagay at pagtuklas ng mga bagong kaalaman. Bilang tao, binigyan tayo ng kakayahang maunawaan ang mga bagay na nakikita natin, kaakibat nito ay ang ating obligasyon upang maging mapanuri sa lahat ng bagay.
Pag isipang mabuti. Muli, ating alalahanin na ang kinabukasan ng ating bansa lalo na ang mga susunod na henerasyon ay nakasalalay sa inihahalal natin sa tuwing panahon ng eleksyon. Subukang balikan at pag-aralan ang mga nagdaang kandidato at nanalo. Anu-ano ang kanilang mga plataporma habang nangangampanya palang sila, natupad ba nila ang kanilang mga ipinangako? Anu-ano ang mga magagandang pagbabagong nangyari sa ilalim ng kanilang pamamahala? Nagampanan ba nila ang kanilang mga tungkulin bilang mga kinatawan ng ating bayan o bansa? Nabigyan ba nila ng linaw ang mga isyung kinasangkutan nila sa loob ng kanilang lideratura? Anu-ano ang ating mga napagtanto – meron nga ba tayong mga natutunan mula sa nakaraan..?
Linangin at hikayatin natin ang ating mga sarili na magkaroon ng kritikal na pag-iisip lalo na sa panahon ngayon na talamak ang mga bayarang taga-suporta at pagkalat ng mga pekeng impormasyon o black propaganda sa social media. Kung gusto natin ng pagbabago magsimula tayo sa ating mga sarili sa pamamagitan ng mahusay at matalinong pagpili ng mga iluluklok natin sa pwesto.
Kilalanin ang mga kandidato. Sinu-sino nga ba ang mga tumatakbo para sa serbisyong publiko? Anu-ano ang kanilang mga pagkatao? Alamin ang kanilang karanasan at pagganap sa pamumuno, isaalang-alang ang sektor ng lipunan, pamilya o industriya na pinagmulan ng bawat kandidato at ang kanilang mga paninindigan o prinsipyo… Anu-ano ang kanilang mga plataporma o usaping dapat bigyan ng pansin na mahalaga para bayan? Nakararami ba ang makikinabang nito? Meron ba silang malinaw na pagpapahayag ng mga pananaw at layunin para sa kinabukasan ng bansa, hangarin na maiangat ang mga naghihikahos sa buhay na mga kababayan? Meron ba silang epektibong kakayahan sa komunikasyong pampubliko o kakayahang makipag-usap sa iba’t ibang uri at antas ng mga tao, kasama na ang mga banyagang pinuno? Panoorin ang kanilang mga pakikipagpalitan ng opinyon at pampublikong talakayan. Ang mabisang komunikasyon ay nakakatulong upang mas lalong mapadali ng isang pinuno na makamit ang kanyang mga layunin para sa kanyang nasasakupan.
May integridad o dignidad ba ang iboboto mo? Mahalagang suriin din natin ang pagkatao ng ating mga iboboto. Hindi ba sila sangkot sa kahit anumang anomalya, pandaraya, katiwalian at kung anu-ano pang labag sa batas na masamang gawain? Tapat ba sila sa kanilang pag-serbisyo o mga pangako?
Mabuting huwaran ang mabuting pag-uugali at higit na naging mas epektibo at makakapag-silbi sa bayan ng lubos ang kandidatong walang bahid ang dangal at may malinis na pagkatao. Isaalang-alang ang mga puna at batikos sa kanila subalit gumawa ng sariling pananaliksik ukol sa mga isyu bago maniwala. Hanapin ang pinagmulan at i-kumpirma sa iyong sariling paraan ang mga nababasa kung ito ba ay may katotohanan.
May karanasan sa Pamumuno. Alamin ang karanasan sa pamumuno ng mga kandidato at kung nagampanan ba nila ng maayos ang kanilang tungkulin sa pagseserbisyo. Mahalagang alamin natin ang kanilang kakayahan… Ano ang kanilang mga nagawa para sa ikabubuti ng nakararami? Meron ba silang matalinong pagtatalaga at may pamahalaang kumikilos ng bukas sa kaalaman ng mga mamamayan? Batayan din ang mga magagandang nagawa ng kandidato na ang nagtatamasa ay ang mga karaniwang mamamayan. Mahalaga ito sapagkat dito makikita na mayroon silang kakayahan na makagawa ng mga ikabubuti at makakatulong para sa ikauunlad ng kanilang nasasakupan o bansang pinamumunuan.
Marunong Makinig at Tumanggap ng Mabuting Pagpuna. Ang mabuting pagpuna ay nakakapagbigay sa atin ng kaalaman ng ating kahinaan at mabigyan tayo ng pagkakataong mapaunlad ito. Ang mga pinunong may mataas na antas ng kamalayan sa sarili ay maaaring maka-impluwensya sa mga sitwasyon at positibong nakakaapekto sa kanilang mga koponan o kababayan. Ang taong marunong makinig ay lumalawak ang pang-unawa. Mabuting pinuno ang marunong makinig sa hinaing ng kanyang mamamayan bukas ang isip sa payo upang makakuha ng ideya at mga potensyal na solusyon sa mga suliraning hinaharap. Mahalaga na ma-paramdam ng isang pinuno sa kanyang mamamayan ang kanilang kaligtasan sa pagpapahayag ng kanilang mga pananaw, nararamdaman o hinaing sa buhay ng walang pangamba. Kaya dapat bukas ang isip ng ating mga namamahala sa mga taong nagbibigay ng makatwirang payo o pagpuna para sa ikauunlad ng ating bansa.
Batay sa iyong mga nakalap na impormasyon, salain ang mga kandidatong nararapat sa iyong boto. Politiko na uunahin ang bayan bago ang sariling kapakanan. Kung may pagkakaisa tayo sa pagiging Pilipino, yan ang ideolohiya ng isang mamumuno ang kailangan ng ating bansa upang umunlad tayo sa hinaharap at makaahon sa kasalukuyang kalagayan.
Maging Mapagmasid. Protektahan at bantayan ang iyong boto. Ihayag ang anumang anomalyang nasasaksihan. Isipin natin na ang maliliit na pandaraya o anomalya ng isang kandidato bago pa man mag-eleksyon ay humahantong sa malaking kurapsyon kapag nakaupo na ito sa pwesto. Hindi mahalaga kung maliit o malaking bagay sa batas ang kanilang nilabag. Malaki man o maliit, parehong paglabag parin iyon sa batas. At kung nakakapaglabag ka sa batas sa maliliit na bagay ay maaari kang makondisyon na lumabag din sa mas malalaking bagay.
Maging Makatarungan. Ang pagboto ay isang kalayaan at karapatan. Kapag nabayaran ang iyong boto, para mo naring ipinagbili ang iyong kalayaan, karapatan at pagkatao bilang isang mamayang Pilipino. Kaya dapat mong piliin ang tama. Bumoto ng tapat at makatuwiran. Ang makatarungang halalan ang nagpapanatili ng diwa ng demokrasya sa ating bansa. Sa isang maliit na halaga ng pandaraya ay maaaring sapat na upang mabago ang resulta ng botohan. At kung hahayaan natin ang ganitong hindi magandang kaugalian, para saan pa ang pagkakaroon ng halalan at pagiging demokratiko nating bayan?
Ang eleksyon ay proseso para sa mga taong naghahangad na makapag serbisyong publiko. Tayong mga mamamayan ang mamimili ng mga politiko na aplikante kung sino ang iluluklok natin sa posisyong gagampanan nila. Pagkatapos ng halalan, obligasyon pa rin natin na matyagan at bantayan ang mga kandidatong ating binoto kung ginagampanan ba nila ang kanilang mga trabaho.
Hindi lamang sa pagboto natatapos ang tungkulin natin bilang mga mamamayan. Tungkulin din nating bantayan ang mga inu-upo natin sa puwesto kung nagagawa ba nila ang kanilang tungkulin bilang mga kinatawan ng ating gobyerno. Kalakip ng ating bawat boto ang tiwala natin sa isang kandidato para sa hinahangad nating pagbabago. Huwag sana nating kalimutan ang dahilan kung bakit sila ang ating iniluklok sa pwesto – ang magkaroon ng maayos at TAPAT na pamahalaan na magdadala sa bansa sa progreso.
Gamitin ang #Talino kung gusto ng #Pagbabago..
Sa darating na halalan #Bumoto ng #Tama at may #Prinsipyo..
Comments